Tue, 17 Sep 2019

Tagalog News: Palawan muling magpapadala ng scholars sa Hainan, China

Philippine Information Agency
16 Aug 2019, 22:38 GMT+10

PUERTO PRINCESA, Palawan, Agosto 16 (PIA) -- Magpapadala muli ng sampung scholars para mag-aral sa Hainan Normal University sa Hainan, China ngayong taon ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan.

Nakatakdang umalis ang mga scholar ng Palawan upang tumungo sa China sa Agosto 29 na personal namang ihahatid ng ilang opisyales ng pamahalaang panlalawigan.

Ang ikalawang batch ng scholars ay binubuo nina Andrea Joy B. Tatoy mula sa bayan ng Roxas na kukuha ng Bachelor of Science (BS) in International Economic and Trade, Cielo S. Sustal ng lungsod ng Puerto Princesa na kukuha ng BS in International Chinese Language Education, Cleford G. Rano ng Taytay para sa BS in Applied Chemistry.

Tatlo naman ang mula sa bayan ng Quezon at ito ay sina Renier D. Baldonado na kukuha ng BS in Statistics, Albert G. Endencia para sa BS in Mechanical Engineering and Automation Technology at Christian Marc D. Garcellano na kukuha ng Bachelor of Law at dalawa rin ang mula sa Aborlan na sina Jubilee Hope Cajiles na kukuha ng BS in Accounting at Ruperto T. Lasting Jr. na kukuha rin ng BS in International Economics and Trade.

Habang dalawa sa scholars ang kukuha ng Master's Degree, ito ay sina Carl Louis N. dela Cruz na kukuha ng Master's Degree in Ecology at Michael John C. Villarosa na kukuha ng Master's Degree in Organic Chemistry.

Ang sampung scholars ay sumailalim sa qualifying examination na isinagawa ng Hainan Scholarship Program-Technical Working Group (TWG) noong buwan ng Pebrero na ginanap sa Palawan State University (PSU) Narra at Roxas campuses. Ito ay sinundan ng qualifying examination noong buwan ng Marso na isinagawa naman sa Victoriano J. Rodriguez Hall ng gusaling Kapitolyo.

Ang pagpapadala ng scholars sa Hainan ay nakapaloob sa sisterhood agreement na nilagdaan sa pangitan ng Lalawigan ng Hainan sa Tsina at Lalawigan ng Palawan nitong nakalipas na mga taon kung saan 50 slots ng scholarship grant ang inaasahang mapunuan hanggang sa taong 2022. Ang unang batch ng scholars ay naipadala nito lamang 2018.

Ang susunod na screening para sa 3rd batch ng mga scholars ay nakatakda sa buwan ng Enero 2020. Sakop ng scholarship program ang tuition fee, accommodation, roundtrip airfare mula Palawan hanggang Hainan Province kasama na ang medical at monthly allowances. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

More Shanghai News

Access More

Sign up for Shanghai News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!